Tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong sumuko sa Philippine National Police (PNP) sa magkakahiwalay na operasyon sa Bataan, Samar, at Eastern Samar noong Nobyembre 19 at 23, 2026.
Sa Bataan, sumuko si alyas “Ka Jenny” sa isinagawang joint counterinsurgency operation sa Barangay Reformista, Limay, noong Nobyembre 19. Isinuko niya ang isang kalibre 38 na revolver, tatlong bala, at isang MK2 fragmentation hand grenade.
Samantala, sa Samar, sumuko si alyas “Brent,” sa 2nd Samar Provincial Mobile Force Company matapos ang sunod-sunod na pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad. Sa Eastern Samar naman, sumuko si alyas “Paul,”, na miyembro ng Yunit Militia, at isinuko ang isang improvised firearm o sumpak at dalawang bala ng 12-gauge.
Sa kabuuan, dalawang baril, isang granada, at limang bala ang isinuko ng tatlong dating miyembro ng CTG. Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng kani-kanilang operating units para sa dokumentasyon at pagsusuri kung kwalipikado silang mapasama sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).















