-- Advertisements --

Bukas ang Truth Commission na ipasakamay sa alinmang ahensiya ng pamahalaan ang findings o resulta ng mga pag-aaral at pananaliksik nito sa madugong drug war ng nakalipas na administrasyon.

Ginawa ni Truth Commission Chair at dating International Criminal Court (ICC) Judge Raul Pangalangan ang naturang pahayag matapos magpahayag ng interest ang Department of Justice (DOJ) na suriin ang findings ng bagong-tatag na independent commission.

Ayon kay Judge Pangalangan, mapa-national agencies o international organizations man ay bukas ang findings ng komisyon, at malaya nilang aralin o repasuhin ang resulta ng kanilang pag-aaral.

Hangga’t kailangan aniya ng sinuman o ng anumang grupo ang findings ng komisyon, hahayaan nila itong maging bukas sa publiko.

Sa kasalukuyan, nakapagsagawa na ang komisyon ng hanggang siyam na truth-telling sessions at mga serye ng conference mula noong nagsimula ito, May 2026.

Nakapagdokumento na ang naturang komisyon ng kabuuang 8,320 na umano’y biktima ng madugong drug war, at nakalilom ng libu-libong dokumento at official reports, nakapagsagawa ng mga serye ng imbestigasyon, at nakausap ang maraming kaanak ng mga biktima.

Ayon kay Judge Pangalangan, bukas ang record ng komisyon sa sarili nitong public website at kung nais ng DOJ na magsagawa ng imbestigasyon sa alinman sa kanilang naidokumentong kaso, maaari lamang nilang kunin ang official report ng komisyon.