-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Senado na hindi makakaladkad ang Pilipinas sa lumalalang kaguluhan sa Gitnang Silangan sa pamamagitan ng mga pasilidad sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa deliberasyon ng Senado para sa panukalang P35.2 bilyong budget ng DFA sa 2027, itinanong ni Sen. Robinhood Padilla kung dapat mangamba na maging target ng ganti ang mga EDCA site dahil sa mga pag-atake sa mga pasilidad ng US sa Gitnang Silangan.

Bilang sponsor ng budget, binigyang-diin ni Senate Foreign Relations Committee Chairman Erwin Tulfo na hindi American military bases ang mga EDCA location kundi mga training area na pag-aari ng Pilipinas para sa humanitarian relief at emergency response.

Naglatag din si Tulfo ng mga pananggalang tulad ng pagbabawal sa pag-imbak ng mabibigat na sandata o nuclear arsenal, kawalan ng permanenteng pag-iiwan ng military asset, at regular na inspeksyon ng Presidential Commission on Visiting Forces.