Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mabilisang imbestigasyon sa mga ilegal na fish cage sa Sual, Pangasinan, at ang agarang pagbaklas sa mga ito kung mapatutunayang lumalabag sa batas.
Binigyang-diin ng kalihim na ang likas-yaman ng bansa ay para lamang sa mga Pilipino alinsunod sa 1987 Constitution, kaya hindi maaaring makinabang dito ang mga dayuhang ilegal na nag-ooperate.
Nag-ugat ang utos sa reklamo ng mga mangingisda at resort owner tungkol sa 132 fish cage sa Calpay Shoal sa Barangay Cabalitian na umano’y itinayo nang walang kaukulang permit ng dalawang operator na may kaugnayan sa mga Tsino, na nakaaapekto na sa kabuhayan at turismo sa lugar.
Bagama’t naglabas na ng cease-and-desist order ang lokal na pamahalaan ng Sual noong Setyembre 21 at nangako ang mga operator na babaklasin ang mga istruktura bago ang Nobyembre 30, inireklamo ng mga residente na 52 kulungan lamang ang inilipat sa ibang zone habang halos 100 pa ang nananatili.
Kasabay nito, nanawagan na rin ang ilang grupo gaya ng Akbayan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at pananagutan upang tuluyang maalis ang mga ilegal na istruktura sa karagatan.
















