-- Advertisements --

Nilinaw ni House Senior Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand “Dinand” Hernandez na walang katotohanan ang mga pahayag na pinag-uusapan o isinusulong sa Kamara de Representantes ang pagpapaliban ng halalan sa 2028 at ang pagpapalawig sa termino ng mga nakaupong opisyal.

Inilabas ni Hernandez ang pahayag bilang tugon sa sinabi ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na may ilang mambabatas umanong tumatalakay sa posibleng no-election scenario, term extension, at paglipat sa parliamentary form of government.

Iginiit ng mambabatas na malinaw na itinatakda ng Konstitusyon ang termino ng mga halal na opisyal at ang regular na pagdaraos ng eleksyon, kaya hindi ito maaaring basta baguhin ng mga mambabatas. 

Hinamon din niya ang mga nagpapakalat ng ganitong alegasyon na maglabas ng malinaw at beripikadong impormasyon, kasabay ng panawagan na maging responsable sa pagbibigay ng pahayag sa publiko.

Tiniyak ni Hernandez na nananatiling nakatuon ang liderato ng Kamara sa ilalim ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga prayoridad na batas kabilang ang panukalang 2027 national budget at igagalang nila ang proseso ng halalan at ang karapatan ng mga Pilipino na pumili ng kanilang mga lider sa 2028.

Samantala, tahasang itinanggi ni House Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V ang mga paratang na may nilulutong plano sa Kamara na suspendihin ang 2028 elections at pahabain ang termino ng mga opisyal.

Tinawag ni Ortega na walang batayan at mapanlinlang ang pahayag ni Atty. Panelo.

Tiniyak ni Ortega na nananatiling nakatuon ang liderato ng Kamara sa panukalang 2027 national budget at sa mga programang makatutulong sa mamamayan, sabay giit na ang sambayanang Pilipino pa rin ang magpapasya sa darating na halalan sa 2028.