-- Advertisements --

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipino laban sa mga pekeng alok na trabaho sa ibang bansa, partikular sa mga lugar na apektado ng kaguluhan sa Eastern Europe, na maaaring humantong sa human trafficking, sapilitang pagtatrabaho, o pagre-recruit sa armadong labanan.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, nasa 86 na Pilipino ang naharang ng ahensya mula Nobyembre 2025 hanggang Nobyembre 26, 2026 dahil sa kahina-hinalang paglalakbay at planong magtrabaho sa ibang bansa.

Sa bilang na ito, 78 ang lalaki at walo ang babae na karamihan ay mga college graduate. Kabilang sa kanilang mga destinasyon ang Russia, Brunei, China, Hong Kong, Malaysia, Singapore at Taiwan.

Hinimok ni Viado ang mga naghahanap ng trabaho sa abroad na dumaan sa Department of Migrant Workers (DMW) at mga awtorisadong recruitment agency upang makaiwas sa ilegal na recruitment at human trafficking.

Binigyang-diin din ng BI na paiigtingin nito ang pagpapatupad ng mga patakaran sa pag-alis ng mga pasahero upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa mapanlinlang na recruitment at mapanganib na alok na trabaho.