Inihayag ng House Prosecution panel ngayong araw na pormal na nilang ididispensa ang Articles I at IV ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na tumutukoy sa mga alegasyon ukol sa confidential funds at grave threats, upang ganap na ituon ang kanilang kaso sa Article II hinggil sa diumano’y unexplained wealth ng Bise Presidente.
Dahil sa naging hakbang ng prosecution, tanging ang ikalawang artikulo na lamang ang ititira ng panel para sa kaniyang formal offer of exhibits sa harap ng impeachment court.
“It will no longer pursue three of them… It will stand on one – and that is Article II on unexplained wealth,” pahayag ni Lead Prosecutor at Representative Gerville Luistro sa kaniyang pagharap sa hukuman upang ipaliwanag ang naging estratehikong pagbabago sa paghahain ng kanilang mga ebidensya.
Sa pamamagitan ng pag-alis sa mga paratang na may kaugnayan sa maling paggamit ng confidential funds at diumano’y pambabanta, itinuon ng prosecution ang buong bigat ng kaso sa mga nakalap na financial records at forensic analysis ukol sa hindi maipaliwanag na yaman at mga ari-arian ng pamilya Duterte.
Samantala, tiniyak naman ng defense counsel na si Atty. Sheila Sison na hindi maaapektuhan ng naging desisyon ng prosecution ang nakalinyang estratehiya ng kampo ng Bise Presidente.
Ayon kay Sison, hindi babaguhin ng defense team ang kaniyang mga nakaplanong hakbang at patuloy nilang ihaharap ang kani-kanilang mga ebidensya upang pabulaanan ang natitirang akusasyon laban sa Bise Presidente.















