-- Advertisements --

Inilabas ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Resolution No. 34, Series of 2026 upang alisin ang limitasyon sa kapasidad ng mga itatayong planta ng kuryente sa bansa.

Sa ilalim ng bagong utos, binuwag na ang dating limitasyong 600 megawatts bawat unit sa Luzon at 150 megawatts naman sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay ERC Chairperson at CEO Atty. Francis Saturnino C. Juan, layunin ng repormang ito na humikayat ng higit pang pamumuhunan at palakasin ang kompetisyon sa merkado ng kuryente.

Inaasahan ding makatutulong ang hakbang upang matiyak ang sapat na suplay ng kuryente at maibaba ang presyo ng singil para sa mga consumer.

Upang mapanatili ang katatagan ng pambansang grid, kailangang sumailalim ang bawat iminumungkahing planta sa System Impact Study na isasagawa ng National Grid Corporation of the Philippines o ng mga accredited provider nito.

Inatasan din ang System Operator na suriing muli ang mga kailangang reserve at ancillary services para sa pagpasok ng mas malalaking planta.

Magkakabisa agad ang naturang resolusyon matapos itong opisyal na mai-publish sa Official Gazette o sa pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.