-- Advertisements --

Naglabas ng 24 Show Cause Orders ang Energy Regulatory Commission laban sa 13 generation companies matapos lumampas sa itinakdang limitasyon ng unplanned outages ang kani-kanilang mga power plant.

Bahagi ito ng mahigpit na pagpapatupad ng reliability performance standards ng komisyon kasunod ng mga ulat hinggil sa paulit-ulit na pagkaantala ng suplay ng kuryente at mataas na singilin sa mga rehiyon ng Visayas at Mindanao.

Bago ang hakbang na ito, nagpalabas na rin ang ahensya ng mga paunawa sa 25 kumpanya upang hingiin ang kanilang paliwanag hinggil sa naitalang insidente ng pagkasira ng mga pasilidad.

Inatasan ang mga kinauukulang kumpanya na magsumite ng beripikadong paliwanag habang patuloy na sinusuri ng komisyon ang kanilang mga isinumiteng dokumento at rekord.

Ipinunto ng ERC na dadaan sa tamang proseso at ebidensya ang mga imbestigasyon bago magpataw ng kaukulang parusa laban sa mga mapapatunayang lumabag sa pamantayan.

Tiniyak ng pamunuan na patuloy nilang babantayan ang kalagayan ng suplay ng kuryente upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga konsyumer sa buong bansa.