-- Advertisements --

Pinagtibay ng Department of Energy (DOE) at ng mga stakeholder sa industriya ang kanilang koordinasyon upang paigtingin ang regulasyon at kaligtasan sa sektor ng LPG sa Mindanao.

Sa ginawang pagpupulong ng DOE-Mindanao Field Office (MFO) at mga lider ng industriya, tinalakay ang mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 11592 o ang LPG Industry Regulation Act.

Kabilang sa pinag-usapan ang mga kasalukuyang hamon sa operasyon at distribusyon ng mga lehitimong negosyante sa rehiyon.

Ibinahagi ng DOE-MFO ang kanilang patuloy na pagmamanman upang agad na matukoy ang mga ilegal na operasyon at substandard na tangke.

Nagkasundo ang magkabilang panig sa mga estratehiya laban sa iligal na pag-refill at iba pang hindi ligtas na kasanayan sa kalakalan.

Layunin nitong protektahan ang kapakanan ng mga mamimili at matiyak ang kaligtasan ng publiko sa buong Mindanao.