Ipinaliwanag ng deputy spokesperson ng House prosecution panel na si Atty. Hez Montalan, ang naging batayan ng kanilang desisyong huwag nang ituloy ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Montalan na matapos nilang suriin at pag-usapan ang kanilang mga hakbang, napagpasyahan nilang ituon ang kaso, sa Article II o unexplained wealth dahil naniniwala sila, at maituturing nilang smoking gun umano o mahalagang ebidensya na ito, na nagpapakita ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.
Dagdag pa niya, ilan sa mga miyembro ng House prosecution panel ay mga kongresista, kung kaya’t may iba pang tungkuling dapat gampanan at ang pangangailangang makapagpatupad ng mga programa at makapagpasa ng mga panukalang batas.
Samantala, nagpahayag si Montalan ng pagdududa sa naging reaksiyon ng depensa nang ipahayag ng prosecution ang pag-withdraw sa ibang Articles ng impeachment complaint.
Ayon sa kanya, napansin niyang may binabasa na umano si defense lead counsel Atty. Sheila Sison habang nagbibigay ito ng manipistasyon sa impeachment court.
Dahil dito, sinabi ni Montalan na hindi niya inaasahang lubos na ikinagulat ng depensa ang naging hakbang ng prosecution.
Gayunman, kinilala rin niyang posibleng pinaghandaan ng kabilang panig ang iba’t ibang maaaring mangyari sa paglilitis, kabilang ang pag-withdraw sa ilang articles.
Samantala, iginiit ni Atty. Hex Montalan na ibinigay ng House prosecution panel ang buong pagsisikap sa paghahanda at paglalahad ng lahat ng articles of impeachment na kanilang iniharap sa impeachment court sa nakalipas na tatlumput-walong araw ng paglilitis.
Gayunman, sinabi niyang isa sa pinakamalaking hamon para sa kanilang panig ang paraan ng pag-cross-examine ng depensa sa kanilang mga saksi.
Bilang halimbawa, tinukoy niya ang pagtatanong ni defense counsel Atty. Kristine Ferrer, na ayon kay Montalan ay tila nauwi sa talakayan tungkol sa taxation law, ngunit wala umanong mahalagang puntong nailabas kaugnay ng testimonya ng BIR witness.
Dahil dito, inilarawan ni Montalan ang naging paraan ng pagtatanong ng depensa bilang umano’y tactics upang mapatagal ang paglilitis.
Sa ngayon, Pormal nang natapos ng House prosecution panel ang paglalahad ng kanilang mga ebidensiya at argumento.
Inaasahang magpapatuloy ang impeachment trial sa November 9, kung kailan nakatakdang simulan naman ng defense panel ang paglalahad ng kanilang panig.














