Kampante ang House Prosecution team sa matibay na ebidensiyang nakalakip sa bribery allegations laban kay VP Sara Duterte, sa kabila ng pagdesisyon nitong hindi na iprepresenta ang mga naturang alegasyon sa umuusad na impeachment trial.
Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro, sapat ang mga nalikom na ebidensiya tulad ng mga dokumento at mga testimoniya upang patunayan ang umano’y pagkakasala ni VP Sara sa naturang alegasyon.
Hindi man aniya tuluyang iprepresenta ang mga naturang ebidensiya, maaari naman itong imbestigahan ng Office of the Ombudsman o Department of Justice.
Kasunod ng paglaglag sa naturang article, maaari aniyang ipasakamay ng panel ang mga ebidensiya sa mga kinauukulang ahensiya para sa posibleng preliminary investigation, tulad ng DOJ.
Kung babalikan, naka-ankla ang bribery allegation sa umano’y pagbibigay ni VP Sara ng pera sa mga opisyal ng Department of Education upang maimpluwensiyahan ang mga desisyon sa procurement noong kalihim pa siya ng ahensiya.
Sa naunang pagdinig na ginawa ng House Committee on Public Accountability, humarap noon si DepEd Undersecretary Gloria Jumamil-Mercado at inaming nakatanggap siya ng siyam na sobreng umano’y naglalaman ng tig-limampung libong piso (P50,000).
Naniniwala ang lead prosecutor na bagaman hindi na ito tatalakayin sa impeachment trial, ang naturang alegasyon ay maaaring basehan ng criminal complaintys laban sa pangalawang pangulo.















