-- Advertisements --

Isiniwalat ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na ang isang agricultural land na nakadeklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte ay isa palang resort batay sa imbestigasyong isinagawa ng mga tauhan ng kawanihan sa mismong site ng ari-arian.

Isa lamang ito sa 14 na real estate properties na idineklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente, kabilang na ang ari-arian sa Don Bosco at iba pang lugar.

Binigyang-diin ng National Bureau of Investigation (NBI) na tumutugma ang natuklasang resort sa sworn affidavit ng dating aide na si Rodulfo Gracioso Jr. Sa kanyang pahayag, sinabi ni Gracioso na naghatid siya ng malalaking halaga ng pera sa mga resort na umano’y binili ng pamilya Duterte upang gamiting imbakan at bagsakan ng pondo.

Lumabas din sa imbestigasyon ng kawanihan na hindi tumutugma ang idineklarang halaga ng ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte kumpara sa opisyal na assessment ng mga awtoridad.

Ang idineklara lamang sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ay mas mababa, samantalang ang tunay na assessment value ng naturang property ay umaabot umano sa P14 milyon hanggang P16 milyon.

Inaasahan na umano ng National Bureau of Investigation (NBI) na ituturing ng mga tagasuporta ni Duterte na “politically motivated” ang naturang hakbang.

Subalit iginiit ni Matibag na sinusundan lamang ng kawanihan ang financial pattern upang mabigyang-linaw ang mga katanungan kaugnay ng diumano’y milyong-milyong iregularidad sa pondo ni Duterte.

Patuloy nitong ginagamit ang kanilang mga intelligence sources at siniguradong idadaan sa tamang legal na proseso ang buong imbestigasyon ukol sa isyung ito.