-- Advertisements --

Siyam na katao ang nasugatan matapos ang pagsabog sa isang oil refinery sa Phra Khanong, Bangkok, Thailand, tatlo sa mga biktima ang nasa kritikal na kondisyon.

Naganap ang pagsabog bandang alas-2:45 ng hapon sa pasilidad na pinatatakbo ng Bangchak Corporation, na sinundan ng sunog. Ayon sa kumpanya, naapula ang apoy sa loob lamang ng 30 minuto.

Dahil sa insidente, naglabas ng babala ang mga awtoridad at pinayuhan ang mga residente sa kalapit na lugar na lumikas at umiwas muna sa refinery.

Ayon sa Energy Minister ng Thailand na si Akanat Promphan, pansamantalang itinigil ang operasyon ng refinery habang iniimbestigahan ang sanhi ng pagsabog at tinitiyak ang kaligtasan bago muling magbukas.

Samantala, sinabi ng Bangchak Corporation na normal naman ang kalidad ng hangin sa paligid ng pasilidad. Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.