-- Advertisements --

Inatasan ng Energy Regulatory Commission o ERC ang Manila Electric Company o MERALCO na magbalik ng halos P1.99 bilyon sa kanilang mga konsumer.


Ayon sa ERC, nagmula ang refund sa sobrang singil sa return on plant at sa mga pension at employee benefit expenses na hindi pinayagang ipasa sa mga konsumer.


Ipapatupad ang refund sa susunod na billing cycle matapos matanggap ng MERALCO ang kautusan. Makikita ito sa bill bilang hiwalay na item na may label na “RAB Refund” at ibibigay sa loob ng tatlong buwan o hanggang makumpleto ang pagbabalik ng halaga.


Para sa mga residential customer, katumbas ito ng refund na P0.2611 kada kilowatt-hour. Halimbawa, ang pamilyang kumokonsumo ng 200 kilowatt-hour kada buwan ay maaaring makatanggap ng humigit-kumulang P52 na bawas kada buwan, o P157 sa loob ng tatlong buwan.


Ayon sa ERC, layunin ng hakbang na ito na matiyak na patas ang singil sa kuryente at maibalik sa mga konsumer ang halagang nararapat sa kanila.