Itinaas ng Manila Electric Company (Meralco) ang singil nito sa kuryente para sa mga residential customer ngayong Hulyo 2026, na nagresulta sa dagdag na humigit-kumulang P69 sa buwanang bayarin ng isang karaniwang bahay.
Sa inilabas na advisory nitong Biyernes, sinabi ng Meralco na may dagdag-singil na P0.3428 per kilowatt-hour (kWh) ngayong buwan.
Dahil dito, aakyat sa P14.8261 per kWh ang kabuuang singil sa kuryente mula sa P14.4833 per kWh noong Hunyo.
Para sa isang sambahayang kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, katumbas ito ng dagdag na P69 sa inyong bill.
Ayon sa Meralco, pangunahing dahilan ng pagtaas ang pag-mahal ng generation charge na nadagdagan ng P0.1800 per kWh.
Mula kasi sa P9.0704 per kWh noong nakaraang buwan, naging P9.2504 per kWh ito dahil sa mas mataas na presyo ng fuel.
Tumaas din ang singil mula sa Power Supply Agreements (PSAs) ng P0.2678 per kWh, na umabot sa P8.8694 per kWh, dahil sa patuloy na epekto ng tensiyon sa Gitnang Silangan.
Samantala, nagmahal din ang presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa P8.0337 kada kWh matapos maitala ang pinakamataas na demand sa kuryente sa Luzon na 14,534 megawatts (MW) noong Mayo 28, 2026.
Gayunpaman, pinalawig ng Energy Regulatory Commission hanggang Agosto 2026 ang suspensiyon sa paniningil ng P0.0371 per kWh Green Energy Auction Allowance (GEA-All).
Ipinaliwanag ng Meralco na ang mga pass-through charge para sa generation at transmission ay direktang ibinabayad sa mga power supplier at sa operator ng power grid.
Sinabi rin ng Meralco na hindi nagbabago ang kanilang distribution charge matapos itong ibaba ng P0.0360 kada kWh para sa karaniwang residential customer noong Agosto 2022.
















