-- Advertisements --

Pinaigting ng Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., ang mga hakbang para mapataas ang conviction rate ng mga sangkot sa mga kaso ng pagnanakaw at pangungupit ng mga pasilidad at materyales para sa distribusyon ng kuryente.

Nagsasagawa ang mga territorial at iba pang police unit ng mas agresibong operasyon laban sa pagnanakaw ng kuryente.

Gayunman, sinabi ni PGEN Nartatez na hindi nagtatapos ang proseso sa pag-aresto sa mga sangkot sa naturang ilegal na gawain.

Tulad ng iba pang krimen, nais ni PGEN Nartatez na matiyak na ang lahat ng maaarestong suspek ay masasampahan ng matibay na kaso sa pakikipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ) para matiyak ang kanilang conviction.

Nauna nang lumagda ang mga opisyal ng PNP at isang pangunahing kompanya ng kuryente sa isang kasunduan upang palakasin ang kanilang pagtutulungan sa pagprotekta sa mga pasilidad at materyales para sa distribusyon ng kuryente sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon, pagbabahagi ng impormasyon, at magkasanib na pagpapatupad ng batas.

Sinabi ni PGEN Nartatez na dapat ding tularan sa buong bansa ang ganitong uri ng koordinasyon at pagtutulungan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at Secretary Jonvic Remulla na palakasin ang pagpapatupad ng batas at protektahan ang mga mamimili laban sa mga aktibidad na nakaaantala sa mahahalagang serbisyo at nagpapabigat sa mga komunidad.

Binigyang-diin ni PGEN Nartatez ang pangangailangang protektahan ang distribusyon ng kuryente sa bansa dahil sa mahalagang papel nito hindi lamang sa ekonomiya kundi maging sa buhay ng mga Pilipino.

Ang mga naaarestong sangkot sa naturang krimen ay sinasampahan ng kaso sa ilalim ng Republic Act No. 7832, o ang “Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994.”

Sinabi niya na ang anumang pagkaantala sa distribusyon ng kuryente ay tiyak na magkakaroon ng malaking epekto hindi lamang sa bawat tahanan at paaralan kundi maging sa sektor ng negosyo na tumutulong sa ekonomiya ng bansa.