Umaasa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na mararamdaman na sa September billing ang kabawasan sa singil sa kuryente.
Ang naturang billing ay ilalabas na sa susunod na buwan.
Ayon kay BIR Spokesperson, Deputy Commissioner Marissa Cabreros, upang matiyak na susunod ang lahat ng kumpanya sa pag-aalis ng system loss VAT, hiniling na nila na ideklara sa isang hiwalay na line item ang system loss sa billing.
Paliwanag ng opisyal, sa pamamagitan nito ay makikita ng publiko na walang kaakibat na patong na 12% VAT ang system loss charge.
Ayon pa kay Comm. Cabreros, bagaman ang BIR ang may awtoridad na magtanggal ng VAT ay ang Energy Regulatory Commission (ERC) pa rin ang may mandato sa maayos na pagpapatupad sa Electric Power Industry Reform Act na basehan ng paniningil ng system loss.
Una nang ipinanawagan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang tuluyang pagbabago sa EPIRA Law upang tuluyang maalis ang systems loss at tuluyang mapababa ang singil sa kuryente.
















