Nagpapatuloy ang isinasagawang power restoration o pagpapanumbalik sa suplay ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) habang nakararanas ng power service interruption ang mahigit 38,000 customer nito.
Bumaba naman na ito mula sa peak na naitala kahapon na nasa halos 100,000 o 98,000 na nawalan ng kuryente. Katumbas ito ng mababa sa isang porsyento ng kabuuang customer na sineserbisyuhan ng kompaniya, ayon kay Meralco Vice President and Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga.
Karamihan sa mga apektadong customer ay sa Cavite, sinundan ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna at Batangas.
Ipinaliwanag ni Zaldarriaga na karamihan sa mga lugar na nawalan ng kuryente ay bunsod ng mga nasirang pasilidad dahil sa malalakas na hangin at pag-ulan. Sa kabila nito, nagpapatuloy naman ang pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Posible naman aniyang makumpleto ang pagbabalik sa suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar mamayang gabi o bukas, maliban sa mga binahang lugar.
Samantala, inabisuhan naman ng electric company ang publiko na umiwas sa mga natumbang linya ng kuryente, nasirang electrical facilities at electrical equipment na maaaring nalubog sa baha. Hinihikayat din ang lahat na i-switch off ang main electrical power o circuit breaker sa kasagsagan ng baha upang makaiwas sa disgrasiya.
















