-- Advertisements --

Arestado ang isang Nigerian national sa Brgy. Balibago, Angeles City, Pampanga nitong Biyernes, Oktubre 16, matapos itong mahulihan ng 3,510 tablets na pinaghihinalaang ecstasy pills at may tinatayang halaga na ₱5.967 milyon.

Batay sa ulat ng pulisya, inaresto isang buy-bust operation ang Nigerian national na nasa high-value individual list at kinikilala sa kaniyang alyas na “Justine” dakong 10:30 p.m. ng gabi ng Biyernes.

Unang nagsagawa ng sting operation sa 1st Street ng Brgy. Balibago ang mga pulisya kung saan nagpanggap ang isa sa mga tauhan na bibili ito ng ipinagbabawal na droga sa suspek bago ito arestuhin.

Nahanap ng tauhan ng Angeles City Police ang 3,510 ecstasy pills sa suspek at narekober din ng pulisya ang marked money na ginamit sa operasyon.

Samantala, kasalukuyan naman nang nasa kustodiya ng pulisya ang Nigerian national.

Inihahanda na rin ang mga kasong ihahain laban sa suspek na may kinalaman sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.