Bumuo na ang Department of Energy (DOE) ng isang joint task force upang isulong ang plano ng administrasyon na alisin ang system loss charges at value-added tax (VAT) sa mga bayarin sa kuryente ng mga consumer.
Ayon sa DOE, ang task force ay binubuo ng Energy Regulatory Commission (ERC), National Electrification Administration (NEA), at mga electric cooperative. Layunin nitong pag-aralan at ihanda ang mga regulasyon at panukalang batas na kailangan upang maipatupad ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Magugunitang sa kanyang State of the Nation Address (SONA), hiniling ng Pangulo sa Kongreso na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang tuluyang maalis ang system loss charges at ang kaakibat nitong VAT sa mga electricity bill.
Sinabi ng DOE na layunin ng mga repormang ito na mapababa ang singil sa kuryente, maprotektahan ang mga consumer, at mapahusay ang serbisyo ng sektor ng enerhiya.
Noong Hulyo 28, nakipagpulong na rin ang DOE sa Energy Regulatory Commission at Manila Electric Company (Meralco) upang talakayin ang mga hakbang para maisakatuparan ang panukala.
Bagama’t nagpahayag ang Meralco ng kahandaang pag-aralan ang mga operational adjustments na makatutulong upang mapababa ang singil sa kuryente.
Iginiit ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan na kailangang pag-usapan kung sino ang sasalo sa halaga ng system loss charges kapag tuluyan na itong inalis, dahil maaari umano itong umabot sa bilyun-bilyong piso.















