-- Advertisements --

Wala pang actual timeline ukol sa kung kailan magsisimulang maipasok sa energy mix ng Pilipinas ang nuclear power, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay ERC Chair, Atty. Francis Saturnino Juan, sinabi niyang bagaman may mga serye ng pag-aaral at consultation nang isinasagawa ang Philippine government sa pangunguna ng Department of Energy (DOE), nananatili pa ring nakadepende ang tuluyang pagpasok ng bansa sa nuclear power, sa pangulo, DOE, at sa suporta ng Kongreso.

Buong-suporta aniya ang komisyon sa mga serye ng capacity building, training, at field study, para sa mas mabilis na transition, lalo na at ito ang pangunahing hinahangad ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay Atty. Juan, tuloy-tuloy lamang ang mga naturang training upang sa oras na kailangan nang bumuo ng regulation at akmang patakaran para sa nuclear regulation ay handa itong isagawa ng pamahalaan.

Natanong din ang opisyal kung kakayanin bang masimulan ang transition bago matapos ang Marcos Jr. Administration.

Ayon sa ERC chair, minamadali ang lahat ng akmang hakbang ngunit nag-iingat din ang gobiyerno sa bagong programa, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga serye ng pag-aaral para masigurong magtagumpay ito.

Kabilang sa mga pangunahing isinasaalang-alang ng power sector aniya, ay ang seguridad at kaligtasan, hindi lamang ng mga mamamayan ng bansa kundi ng Pilipinas sa kabuuan.