Mararamdaman na ng mga konsyumer sa darating na Nobyembre ang bawas-singil matapos maglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pamumuno ni Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2026 noong Setyembre 14, 2026.
Sa ilalim nito, tuluyan nang tinanggal ang 12% Value-Added Tax (VAT) sa allowable system loss charge na pasok sa cap ng Energy Regulatory Commission (ERC). Layunin nitong mabawasan ang buwanang gastos ng mga konsyumer sa kanilang kuryente.
Dahil dito, tinatayang aabot sa P20 hanggang P30 ang natatanggal na VAT component ng system loss charge. Para naman sa isang karaniwang pamilya o household na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, posibleng umabot sa hanggang P20 ang kanilang matitipid.
Ikinatuwa ito ng maraming konsyumer, ayon kay Daisy Villas, residente ng Makati, malaking tulong ito upang pandagdag sa panggastos sa araw-araw na pagkain.
Pareho rin ang sentimiyento ni Benjamin Dy. Aniya, isang magandang hakbang ito mula sa pamahalaan dahil anuman ang estado sa buhay mahirap man o mayaman ay parehong makikinabang.
Ngunit hirit ng ilan, kagaya ni Alberto Barbitcho, isang delivery rider, sana ay magkaroon pa ng ibang paraan upang mas maipababa pa ang singil sa kuryente sa gitna ng pagmahal ng mga bilihin.
















