Tiniyak ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na normal ang suplay ng kuryente sa Luzon, Visayas, at Mindanao ngayong weekend.
Ito ay sa kabila ng mga serye ng Grid ALert na ipinalabas nito ngayong linggo kung saan ilang beses itong naglabas ng Yellow at Red Alert dahil sa pagnipis ng suplay ng kuryente.
Paliwanag ng NGCP, dahil sa mababang demand tuwing weekend, nagkaroon ng sapat na suplay upang makapag-export pa ng kuryente mula Luzon patungong Visayas.
Nasa ilalim din ng ‘normal condition’ ang power operations sa Visayas at Mindanao.
Sa ganitong paraan ay nananatiling matatag ang suplay ng kuryente ngayong weekend, maliban na lamang kung magkaroon ng biglaang pagtaas ng demand o hindi inaasahang aberya sa mga planta ng kuryente.
















