Posibleng maubos ang sobrang suplay ng kuryente sa Mindanao pagsapit ng 2028, bunsod ng patuloy na pagtaas ng demand habang hindi nadaragdagan nang sapat ang kapasidad ng mga power plant.
Ayon kay NGCP Spokesperson Atty Cynthia Perez-Alabanza, unti-unti nang lumiliit ang pagitan ng available supply at konsumo sa rehiyon.
Aniya, kung magpapatuloy ang kasalukuyang trend, maaaring pumantay na ang power supply sa demand sa Mindanao pagdating ng 2028, kaya mawawala ang buffer na ginagamit para mapanatiling stable ang grid.
Sinabi ni Alabanza na nakaranas na ang Mindanao grid ng 17 yellow alerts at apat na red alerts mula Enero dahil sa kakulangan ng suplay dulot ng mga plant outage.
Umaasa naman ang opisyal na maaaring maging mas conservative ang projection ng NGCP, at hinikayat ang iba pang government agencies na pag-aralan at i-validate ang datos.
Kaugnay nito, sinabi rin ng NGCP na nakararanas ng kahalintulad na problema ang Luzon, kung saan limitado ang dependable power supply lalo na kapag wala nang naiaambag na kuryente ang mga solar farm pagsapit ng gabi.
















