Itataas mula sa yellow Alert tungo sa Red Alert ang Visayas grid simula mamayang alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi ngayong Sabado, Agosto 15.
Iniisyu ang Red Alert status kapag hindi sapat ang suplay ng kuryente para matugunan ang demand ng konsyumer at kinakailangan ng transmission grid.
Kaugnay nito, ibinabala na posibleng maranasan ang power interruption sa mga konsyumer sa Visayas dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente sa gitna ng pag-trip ng ilang mga planta.
Ipinaliwanag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na kasalukuyang nagooperate ang Visayas grid sa 2,350 megawatts (MW) capacity, na mababa sa inaasahang peak demand na 2,475 MW.
Ilan sa mga factor na nakadagdag sa deklarasyon ng red alert sa Visayas grid ay ang hindi pagiging available ng pinakamalaking coal plants sa isla, pagtaas ng forecasted system demand sa Visayas at limitadong power import mula sa Mindanao.
Maliban dito, mayroong mga planta na nag-force outage ngayong Agosto, at sa mga nakalipas na buwan at simula pa noong 2025 habang mayroon ding 15 planta ang gumagana sa mahinang kapasidad.
Nagresulta ito sa pagkawala ng kabuuang 806.4 MW sa grid.
















