-- Advertisements --

Nakatakdang sumailalim sa Red at Yellow Alert ang buong Visayas Grid sa ilang partikular na oras ngayong araw dahil sa kakulangan at pagnipis ng reserbang suplay ng kuryente, ayon sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kaninang 8:00 ng umaga.

Batay sa abiso ng NGCP, iiral ang Yellow Alert mula alas-dos hanggang alas-singko ng hapon, at muling ipatutupad mula alas-otso hanggang alas-nuwebe ng gabi.

Samantala, itataas naman ang mas mabigat na Red Alert sa mga peak hours mula alas-singko ng hapon hanggang alas-otso ng gabi.

Itinataas ang Yellow Alert kapag manipis ang operating margin at hindi sapat ang reserbang kuryente upang punan ang pangangailangan ng grid.

Ipinapatupad naman ang Red Alert kapag mas mababa na ang kabuuang suplay ng kuryente kumpara sa konsumo ng publiko, dahilan upang magkaroon ng banta ng rotational brownout kung hindi maibababa ang demand.

Dahil dito, pinapayuhan ng mga awtoridad ang mga residente at negosyo sa buong rehiyon ng Visayas na magtipid sa paggamit ng kuryente, lalo na sa mga tinukoy na oras ng alerto.