Nanawagan si National LPG Alliance of the Philippines (NLAP) President Jose “Jojo” Cruz sa Department of Energy (DOE) na huwag ipilit ang pagpapatupad ng panuntunan sa LPG Cylinder Swapping Centers kung magdudulot lamang ito ng pagdurusa sa mga konsyumer.
Sa isinagawang public consultation ng DOE-Oil Industry Management Bureau (OIMB), direktang sinabi ni Cruz kay DOE Director Rino Abad na hindi dapat ipatupad ang isang polisiya para lamang masunod ang batas kung malalagay naman sa alanganin ang kapakanan ng publiko.
Mariing tinutulan ng NLAP, kasama ang iba pang independent LPG dealers at stakeholders, ang panukalang ipaubaya sa mga LPG marketer ang pamamahala sa mga nasabing swapping center.
Pinangangambahan ng grupo na magreresulta ang sistemang ito sa dagdag na pasanin at abala para sa parehong mga nagtitinda at bumibili ng LPG sa bansa.
Dahil dito, iginiit ng mga stakeholder na dapat munang pag-aralang mabuti at timbangin ng ahensya ang magiging epekto ng naturang patakaran bago ito tuluyang ipatupad.















