Iginiit ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law upang maging mas malinaw at transparent ang paraan ng pagtatakda ng presyo ng langis sa bansa.
Ayon kay Tulfo, dapat magkaroon ng mas malaking kapangyarihan ang Department of Energy o DOE na hingan ng paliwanag ang mga kumpanya ng langis sa tuwing magtataas ang mga ito ng presyo.
Giit ng senador, hindi dapat basta na lamang ipasa sa mga motorista at transport sector ang biglaang pagtaas ng presyo ng krudo nang walang malinaw na paliwanag kung paano ito itinakda.
Matagal na aniyang hinihiling ng transport sector ang mas malinaw na pagpapaliwanag sa mga pagbabago sa presyo ng langis dahil direktang nakaaapekto ito sa kanilang kabuhayan at sa presyo ng mga bilihin.
Inihalintulad din ni Tulfo ang Oil Deregulation Law sa Electric Power Industry Reform Act o EPIRA, na aniya ay nagbigay-daan sa pagpasa ng ilang gastos ng mga kumpanya ng kuryente sa mga mamimili.
Gayunman, iginiit ni Tulfo na hindi lamang dapat tingnan kung gaano kaliit o kalaki ang maaaring matapyas sa presyo ng langis.
Aniya, mahalaga ang bawat pisong natitipid ng mga ordinaryong Pilipino, lalo na habang mataas ang presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.















