Hinimok ni dating House quad-committee chairman Robert Ace Barbers ang China na itigil ang pananakot sa Pilipinas, kasunod ng pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan na madaling mananalo ang Beijing kung gagamit ito ng puwersa.
Ayon kay Barbers, walang lugar sa diplomasya ang pagpapakita ng pagmamataas at pagbabanta sa mas maliit na bansa. Binigyang-diin niyang hindi nangangahulugang maaaring apihin ang Pilipinas dahil mas malaki ang puwersang militar ng China.
Iginiit din ng dating kongresista na dapat ibatay sa international law ang pagresolba sa sigalot sa West Philippine Sea, kabilang ang 2016 arbitral ruling na tumanggi sa legal na batayan ng malawak na pag-aangkin ng China sa pinag-aagawang karagatan.
Inakusahan din ni Barbers ang Beijing ng pagpapakalat ng maling impormasyon upang bigyang-katwiran ang mga pag-aangkin nito. Hinimok niya ang pamahalaan na patuloy na ilahad ang mga ebidensiya at insidente sa karagatan upang mapanagot ang China sa mga aksiyon nito.
Binigyang-diin ni Barbers na dapat patunayan ng China ang hangarin nitong kapayapaan sa pamamagitan ng paggalang sa international law at pagtigil sa pangha-harass sa Pilipinas, sa halip na pagbabanta gamit ang lakas-militar.














