Nanatiling nasa ilalim ng yellow alert ang Visayas grid nitong Lunes, Hunyo 29, mula kaninang alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ang alerto ay bunsod ng manipis na reserbang kuryente matapos magka-aberya ang tatlong malalaking coal-fired power plants sa rehiyon.
Ayon sa NGCP, mayroong 2,571 megawatts (MW) na available capacity kumpara sa peak demand na 2,288 MW.
Gayunpaman, dahil sa forced outage ng ilang planta, nananatiling mababa ang reserbang kuryente.
Ang pitong planta ay kasalukuyang hindi gumagana, habang may mga planta ring tumatakbo ngunit hindi sa buong kapasidad.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang yellow alert ay inilalabas kapag manipis ang reserbang kuryente ng grid. Bagama’t sapat ang suplay para sa kasalukuyang demand, nanganganib ang sistema kung may isa pang planta na biglang magka-aberya.
Nag-utos na ang Department of Energy (DOE) ng agarang inspeksyon at koordinasyon upang maibalik online ang mga apektadong planta.
Kabilang sa mga hakbang ang paggamit ng power barges at generator sets upang makatulong sa suplay.
Bagama’t walang direktang epekto sa presyo ng kuryente ang yellow alert, posibleng bahagyang tumaas ang singil dahil sa paggamit ng mas mahal na diesel plants bilang pansamantalang solusyon.














