Pinabibilis ng Department of Energy (DOE) ang pagpapatupad ng 22 renewable energy projects bilang solusyon sa banta ng krisis sa langis at upang mapalakas ang alternatibong pinagkukunan ng kuryente.
Ayon kay Usec. Claire Castro ng Presidential Communications Office, layunin ng pamahalaan na mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na langis na madalas naaapektuhan ng pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Sa isang press briefing sa Iloilo City, sinabi ni Castro na kabilang sa mga pinapabilis na proyekto ng DOE ang 12 solar, anim na hydroelectric, dalawang biomass, isang wind project, at isang integrated renewable energy storage system.
Binigyang-diin na mahalaga ang mga proyektong ito lalo na sa panahon ng oil crisis, kung saan pabago-bago ang presyo ng produktong petrolyo na maaaring makaapekto sa suplay ng kuryente at gastusin ng mga konsyumer.
Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng renewable energy, inaasahan ng pamahalaan na magkakaroon ng mas matatag, mas mura, at mas malinis na suplay ng enerhiya sa bansa.
Dagdag pa rito, layon din nitong maprotektahan ang ekonomiya laban sa epekto ng pandaigdigang krisis sa langis.
















