-- Advertisements --

Palalakasin pa ng Presidential Communications Office (PCO) ang kampanya kontra fake news sa pamamagitan ng mas mahigpit na pakikipagtulungan sa mga tradisyonal na media, Malacañang Press Corps at iba pang sektor, ayon kay Acting Secretary Lino Cayetano.

Ayon kay Cayetano, bubuo ang PCO ng sistema kung saan maaaring beripikahin at ilathala ng mga media organization ang mga impormasyong napatunayang mali.

Binigyang-diin niya na mahalagang katuwang ang media sa pagtukoy ng maling impormasyon upang mapanatili ang kredibilidad ng mga lehitimong organisasyon ng balita.

Tungkol naman sa maling impormasyon hinggil sa Super El Niño, sinabi ni Cayetano na prayoridad ng PCO ang pagpapalaganap ng tama at beripikadong impormasyon sa publiko.

Aniya, ipauubaya na sa mga kinauukulang ahensiya, gaya ng Department of Justice at Department of Information and Communications Technology, ang mga posibleng pananagutan kaugnay ng disinformation.

Layunin ng hakbang na mapalawak ang abot ng tama at mapagkakatiwalaang impormasyon sa publiko.