Nagsanib pwersa ngayong araw ang Department of Justice, Presidential Communications Office, at Department of Information and Communications Technology upang maglunsad ng ‘Oplan Kontra Fake News’.
Sa isinagawang programa, magkakasabay na nilagdaan ng mga kalihim ng nabanggit na mga kagawaran ang isang kasunduan para itaguyod ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya.
Personal na dumalo rito sina Justice Sec. Fredderick Vida, Information and Communications Technology Sec. Henry Rhoel Aguda, at Sec. Dave Gomez ng Presidential Communications Office.
Sa pahayag, ibinahagi ni Justice Sec. Vida na ang patuloy na pagkalat ng maling impormasyon ay dapat harapin at hindi ipagsawalang bahala.
Naniniwala siyang nagdudulot ang ‘fake news’ sa pagkasira ng tiwala ng publiko, kaguluhan sa gitna ng krisis at dibisyon o pagkakahati-hati.
Subalit kanyang binigyang pagkilala naman ang kahalagahan sa pagkakaroon ng ‘whole of government approach’ upang ito’y malabanan.
Habang mariin namang sinabi ni Sec. Dave Gomez na ang inisyatibong ito ay hindi lamang puro salita kundi tiyak na aksyon na layon seguraduhin napapangalagaan ang karapatan ng mamamayan.
Pagprotekta aniya ito sa karapatan ng taumbayan na magkaroon o maka-access sa tamang impormasyon at gayundin karapatan sa malayang pagpapahayag.
Dagdag pa rito’y ibinahagi ni Department of Information and Communications Technology Sec. Henry Rhoel Aguda na responsibilidad ng pamahalaan na panagutin ang mga nasa likod sa likod pagkalat ng maling impormasyon.
















