-- Advertisements --

Nasawi ang dalawang magsasaka sa Glamang River, Barangay Anggas, Alabel, Sarangani Province, matapos magsagawa ng isang ritwal na may kaugnayan sa alitan sa lupa.

Ang mga biktima ay 69 at 49 taong gulang, kapwa residente ng Barangay Datal Anggas.

Batay sa ulat, nagkasundo ang dalawa na magsagawa ng isang ritwal noong Oktubre 16 upang maresolba ang kanilang sigalot tungkol sa lupa.

Ayon sa paunang impormasyon, nagtagal ang dalawa sa ilalim ng tubig nang mahigit 10 minuto, na nagresulta sa kanilang pagkalunod.

Agad silang isinugod sa isang ospital sa General Santos City, ngunit kapwa idineklarang dead on arrival.

Patuloy na iniimbestigahan ng Alabel Municipal Police Station ang insidente. Batay sa paunang imbestigasyon, kapwa umano pumayag ang mga biktima na sumailalim sa ritwal upang maresolba ang sigalot sa lupa ng kanilang mga pamilya.

Samantala, nananawagan ang ilang kinatawan ng mga katutubo ng masusing imbestigasyon sa insidente. Binigyang-diin din nila ang kahalagahan ng paggalang sa kultura at paghahanap ng mas mapayapang pamamaraan upang masolusyunan ang mga sigalot.