-- Advertisements --

Nagiging matabang lupa para sa pagkalat ng “fake news” at disinformation ang nagpapatuloy na proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay sa gitna na rin ng pag-amin ng maraming Pilipino na kulang pa ang kanilang kaalaman ukol sa mga ebidensya at alegasyong kinakaharap ng bise presidente.

Ayon kay Cleve V. Arguelles, political scientist at presidente ng WR Numero, dapat na mabahala rito ang kapwa House prosecution team at ang Senate impeachment court habang naghahanda ang bansa sa isa sa pinakamainit na paglilitis sa kasaysayan ng politika sa bansa.

“Yes. I think nakikita na po natin ngayon, we have seen that in action that beginning with the House impeachment proceedings, hanggang ngayon nag-convene yung impeachment court, lumalangoy sa mga fake news yung ating mga kababayan in almost all platforms,” pahayag ni Arguelles.

Matatandaang bumoto ang Kamara sa resultang 257-25-9 para i-impeach si Duterte at ipasa ang Articles of Impeachment sa Senado.

Kasalukuyan namang nag-convene ang Senado bilang isang impeachment court para dambana ang mga kaso hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan, hindi maipaliwanag na yaman, at mga banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang opisyalmga alegasyong mariin namang itinanggi ni Duterte.
Ipinaliwanag ni Arguelles na iba na ang kinakaharap na media at information environment ngayon kumpara sa mga nagdaang impeachment trials sa bansa, kung saan tradisyunal na media lamang ang inaasahan ng publiko.

“And this is a challenge not only for the House prosecution team but also the Senate as impeachment court. I think yes, we’ve had different impeachment trials in the past, pero ito [yata] yung unang makakaharap ng Senate impeachment court na kailangan nilang maintindihan paano ‘yung disinformation,” paliwanag ni Arguelles.

Aniya, kung noon ay maaasahan ang media para sa tumpak at makatotohanang ulat, ngayon ay maaari nang manipulahin ng mga social media users, partisan networks, at mga labas sa paglilitis ang interpretasyon ng publiko sa real-time.

Ibinahagi rin ng eksperto na batay sa kanilang datos, nasa 50 porsyento ng mga Pilipino ang nagsasabing kulang ang kanilang kaalaman ukol sa mga ebidensya laban sa bise presidente.

Nagbabala si Arguelles na ang ganitong sitwasyon ay lubhang nakababahala dahil madaling mabiktima ang mga mamamayan sa mga minamanipulang naratibo, piniling impormasyon, at propagandang pampolitika.

Nangyayari ang makasaysayang paglilitis na ito sa gitna ng matinding polarisasyon sa politika, habang si Duterte ay itinuturing pa ring mabigat na kalaban para sa 2028 presidential race, at inaasahan ding magiging kumplikado ang pagkuha ng two-thirds vote sa Senado na kailangan para sa tuluyang pagpapatalsik o conviction.