Pinuri ng Presidential Communications Office (PCO) ang mabilis na aksyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsasampa ng kaso at pag-aresto sa dating broadcaster na si Jay Sonza dahil sa pagpo-post ng fake news hinggil sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PCO Acting Secretary Dave Gomez, ang hakbang ng NBI sa ilalim ng pamumuno ni Atty. Melvin Matibag ay nagpapakita ng matatag at makatarungang tugon ng administrasyon laban sa umano’y online abuse, lalo na kung ang maling impormasyon ay inilalathala at ipinapakalat bilang lehitimong balita.
“It shows the government’s continuing effort to guard the truth, protect the public from deception, and preserve a free but responsible democratic space,” ani Gomez.
Sa ilalim ng Oplan Kontra Fake News, sinabi ni Gomez na naglalabas ang PCO ng matinding babala sa mga nagpapakalat ng fake news. Giit niya, ang misinformation ay sumisira sa tiwala ng publiko, naglalagay sa panganib ang buhay, at haharap sa agarang at makatarungang kaparusahan.
Dagdag pa niya, magpapatuloy ang PCO sa pakikipagtulungan sa law enforcement, media, at mga responsible online platforms upang tukuyin, imbestigahan, at kasuhan ang mga nagpapalaganap ng maling impormasyon.
“Public discourse must remain free, but it must also be truthful, fair, and orderly. Speak freely, but not falsely,” ani Gomez.
Kamakailan, lumagda ang PCO ng Memorandum of Agreement kasama ang Department of Justice (DOJ) at Department of Information and Communication Technology (DICT) upang pigilan ang paglaganap ng fake news at panagutin ang mga nasa likod nito.
Nakapagsumite na rin ang PCO ng ilang kaso ng fake news sa DOJ para sa imbestigasyon ng NBI at pormal na pagsasakdal sa korte.
















