-- Advertisements --

Tinawag ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na “National Bureau of Imbento” ang National Bureau of Investigation o NBI matapos ianunsyo ng ahensya ang paghahain ng reklamong qualified human trafficking laban sa kanya at anim na iba pa.

Sa kanyang Facebook post nitong Biyernes, Setyembre 4, kinuwestiyon ni Leviste ang naging imbestigasyon ng NBI at sinabing ginagamit umano ng ahensya ang buwis ng publiko sa “pag-iimbento ng kalokohan.”

Ang pahayag ni Leviste ay kasunod ng anunsyo ni NBI Director Melvin Matibag na magsasampa ang bureau ng reklamo sa Department of Justice kaugnay ng umano’y “honey trap” operation laban kay Executive Secretary Ralph Recto.

Bukod kay Leviste, kabilang sa mga respondent si dating Negros Oriental 1st District congressman Jacinto “Jing” Paras at lima pang iba.
Itinanggi naman ni Leviste ang kanyang pagkakasangkot sa umano’y plano.

Ayon sa NBI, nakumpleto na nito ang imbestigasyon at nakalap umano ang mga ebidensiyang gagamitin sa reklamo. Isusumite ito sa DOJ para sa preliminary investigation.

Wala pang pinal na hatol ang korte kaugnay sa mga alegasyon laban sa mga respondent.