-- Advertisements --

Sang-ayon si dating Iloilo 5th District Representative Niel “Junjun” Tupas sa naging hakbang ng House Prosecution Panel na huwag nang iharap ang natitira nitong mga testigo para sa Article 4 o Grave Threats sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Tupas, na nagsilbing lead prosecutor sa 2012 impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona, na tama ang naging desisyon ng prosekusyon dahil sa kanyang pananaw, ang Article 4 ang pinakamahinang bahagi ng Articles of Impeachment.

Ayon kay Tupas, kung ipagpapatuloy pa ang presentasyon ng mga testigo para sa naturang artikulo, maaari lamang itong maging kapaki-pakinabang sa depensa at magbigay ng pagkakataong kuwestiyunin ang kaso.

Dagdag pa niya, posibleng isinasaalang-alang ng prosecution panel ang panawagan ng ilang opisyal na huwag nang ipagpatuloy ang presentasyon ng iba pang testigo para sa Article 4.

Binanggit din ni Tupas na hindi na rin kinakailangang humarap si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa pagdinig sa Hulyo 20, dahil nailatag na ng dalawang testigo mula sa NBI ang naging imbestigasyon ng ahensya kaugnay sa umano’y grave threats ni Vice President Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.