Dumating na sa Pilipinas ang 21,000 metric tons ng liquefied petroleum gas (LPG) na binili ng pamahalaan bilang bahagi ng Emergency Energy Security Program ng Department of Energy (DOE).
Ang naturang shipment ay galing sa Texas, USA at dumaong kamakailan sa terminal ng South Pacific Inc. sa Calaca, Batangas.
Ayon sa DOE, ang LPG ay binili ng Philippine National Oil Company (PNOC) sa pamamagitan ng commodity trader na Trafigura Pte. Ltd. noong Abril 13, 2026.
Ang kargamento ay binubuo ng 50% refrigerated propane at 50% refrigerated butane, na layong palakasin ang reserbang panggatong ng bansa upang maiwasan ang kakulangan sa suplay sa panahon ng energy emergency.
Sa pagdating ng shipment, umabot na sa halos 42 araw ang national LPG inventory ng Pilipinas, mas mataas kumpara sa minimum requirement na pitong araw.
Gayunman, nananatiling mataas ang presyo ng LPG sa merkado dahil sa global market volatility.
Ang isang 11-kilong cylinder ay nagkakahalaga na ng higit P1,700.
Binigyang-diin ng DOE na ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaan upang tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya, maiwasan ang hoarding, at mapanatili ang katatagan ng presyo sa gitna ng pandaigdigang pagbabago sa merkado.















