-- Advertisements --

Sa gitna ng imbestigasyon sa kontrobersiya sa pet crematorium and aftercare services, natuklasan muli sa San Jose del Monte City, Bulacan ang panibagong dumpsite ng mga alagang hayop nitong Lunes, November 2.

Ito rin ang pangatlong dumpsite na nakita magmula nang pumutok ang isyu hinggil sa labi ng mga alagang ipinagpaubaya sa pet crematorium para ma-cremate ngunit umano’y idinispose na lamang sa naturang lungsod sa Bulacan.

Nadiskubre rin ito ng animal welfare group na Luna ang Furry Siblings na siya ring unang nakatuklas sa mga dumping site kaugnay ng insidente nang nakatambad sa isang lote ang mga labi ng alagang hayop nitong Biyernes ng nakaraang linggo.

Ayon sa kanilang panibagong post, nakita sa isang septic tank sa Brgy. Minuyan IV sa San Jose del Monte City ang umano’y labi ng mga asong nakasilid sa mga sako.

Hindi rin ito kalayuan sa Brgy. Minuyan Proper kung saan natagpuan ang 29 na labi ng mga alagang aso’t pusa.

Pito hanggang walong sako ng mga nabubulok na labi ng umano’y mga aso ang narekober ng mga awtoridad.

Ang mga nasabing pattern naman o similaridad ng kaparaanan ng pag-dispose sa mga labi, kabilang ang iba pang mga ebidensya, ay iniimbestigahan pa ng mga awtoridad hinggil sa koneksyon nito sa isang pet crematorium services sa Bacoor, Cavite.

Sa kabilang dako naman, ayon sa pahayag ni Bacoor City Mayor Strike Revilla, hindi na aniya nakikipagtulungan sa imbestigasyon ang may-ari ng naturang pet crematorium na agad namang pinasara ng pamahalaan nitong Sabado.

Dagdag pa nito, hindi rin aniya titigil sa pagsampa ng kaso ang pamahalaang lungsod ng Bacoor sa mga sangkot dahil inatasan na rin ng alkalde ang paghahanda ng mga regulasyon para sa mga pet crematorium at cemeteries maging sa pagkakaroon din ng sariling pet crematorium ng lungsod.

“Inatasan na rin ang paghahanda ng mga regulasyon para sa pet crematorium at pet cemetery sa Bacoor upang magkaroon ng malinaw na pamantayan at mas mahigpit na pagbabantay,” ani ng alkalde.

Dagdag pa ni Revilla, plano rin ng pamahalaang magbukas ng pet crematorium, “Target din nating magkaroon ng sariling pet crematorium ang Pamahalaang Lungsod ng Bacoor upang makapagbigay ng maayos, mapagkakatiwalaan, at abot-kayang serbisyo para sa ating mga fur babies.”

Samantala, naitala na ng Bacoor PNP ang 53 complainants laban sa naturang pet service kung saan inaasahan pa ang pagdami nito habang hinahanap pa ng ilang biktima ang labi ng kanilang mga alagang hayop.