-- Advertisements --

Pinalawak pa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kaniyang fuel marking operations sa 10 Revenue Regions kung saan nasa 189 na fuel stations ang nasuri hanggang noong Oktubre 13, 2026, bilang bahagi ng mas pinalakas na enforcement laban sa illicit fuel trade at pagsusumikap na protektahan ang revenue base ng bansa.

Sa mga nasuring pasilidad, 111 ang pumasa sa field tests habang 78 ang nagtala ng field failures, na katumbas ng 41.3% ng kabuuang mga istasyong nasuri.

Dahil dito, pormal na nilagyan ng seal ang mga affected pumps mula sa 78 establishments, kasama ang humigit-kumulang 900,250.69 liters ng fuel inventory na nauugnay sa mga bumagsak na field tests, habang ang independent third-party testing at verification naman ay pinangangasiwaan ng SGS Philippines.

Paliwanag ng BIR, sakop ng operasyon ang RR No. 5 – CAMANAVA at Bulacan, RR No. 6 – City of Manila at Palawan, RR No. 7A – Quezon City, RR No. 7B – East NCR, RR No. 8A – Makati City, RR No. 8B – South NCR, RR No. 11 – Western Visayas, RR No. 12 – Negros Island, RR No. 13 – Central Visayas, at RR No. 14 – Eastern Visayas.

Inihayag ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na patuloy na tutuntunin ng Bureau ang mga fuel sources na nauugnay sa mga bumagsak na station-level tests at magsasagawa ng karagdagang verification kasama ang testing sa mga fuel depot, bagama’t nilinaw niyang ang pagkahuli sa isang istasyon ay hindi agad nangangahulugang hindi compliant ang supplier nito.

Binigyang-diin ng komisyoner na ang mga hakbang na ito ay bahagi ng BIR DARES reform agenda sa ilalim ng Revenue Collection and Base Protection upang masugpo ang illicit trade na nagpapahina sa koleksyon ng buwis at naglalagay sa palamang na sitwasyon sa mga compliant businesses.