-- Advertisements --

Inilagay ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, sa heightened alert ang lahat ng enforcement units nito laban sa pagkalat ng mga ilegal na vape at produktong tabako kasabay ng pagdami ng mga mamimili ngayong pumasok na ang “Ber” months at paglapit ng kapaskuhan.

Inihayag ni Commissioner Mendoza na nakatatanggap ang kawanihan ng mga intelligence information ukol sa tumataas na peligro ng pagpasok ng mga ilegal na vape at tabako sa merkado habang tumataas ang demand ng publiko ngayong holiday season.

Binigyang-diin niyang walang “holiday” o pahinga ang kanilang kampanya at puspusan ang gagawing pagpapatupad ng batas laban sa mga lumalabag.

Dahil dito, inatasan na ng BIR ang mga regional at enforcement office na paigtingin ang pagbabantay sa mga pinaghihinalaangawaan o pagawaan, imbakan o warehouse, distribution channels, at mga retail outlet sa buong bansa, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya para sa mga operasyon.

Ang naturang hakbang ay kasunod ng patuloy na pagsamsam at legal na pagwasak ng BIR sa mga nakokumpiskang ilegal na vape at sigarilyo, pagtutuos ng mga kaukulang tax liability, at paghahain ng mga kasong kriminal laban sa mga negosyanteng hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Nanawagan din ang kawanihan sa mga lehitimong negosyante sa industriya, mga nagtitingi, at sa pangkalahatang publiko na magsumite ng impormasyon o mag-report sa BIR ukol sa anumang natutukoy na ilegal na pagmamanupaktura, pag-iimbak, at pagbebenta ng mga produktong vape at tabako sa kanilang mga lokalidad.