-- Advertisements --

Arestado ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang most wanted person na parehong nahaharap sa kasong murder kaugnay ng pagpatay sa isang Indian businessman sa Isabela.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Jun” at “War,” na nadakip noong Nobyembre 2, 2026, sa magkahiwalay na operasyon sa Barangay Ugad, Cabagan, at Barangay San Manuel, Naguilian, Isabela.

Isinagawa ang pag-aresto batay sa mga warrant of arrest na inilabas ng korte sa Ilagan City noong Oktubre 12, 2026, na walang inirekomendang piyansa.

Nag-ugat ang kaso sa pamamaril at pagkamatay ng negosyante noong Mayo 23, 2026, sa City Homes Subdivision, Barangay Alibagu, Ilagan City.

Kabilang ang dalawang suspek sa mga most wanted person sa Cagayan Valley at lalawigan ng Isabela. Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang dalawa pang akusado na sangkot sa kaso.