-- Advertisements --

Sumasailalim na sa forensic examination ang mga abo na isinuko sa pulisya ng mga pet owner na umano’y nabiktima ng kontrobersiya sa isang pet crematorium sa Bacoor City, Cavite.

Layunin ng pagsusuri na matukoy kung ang mga abo na ipinagkatiwala sa naturang pasilidad para sa cremation service ay tunay na nagmula sa kanilang mga alagang aso at pusa.

Ayon kay Philippine National Police Spokesperson Colonel Allen Rae Co, ang mga abo na isinusuko sa kanila ng mga complainant ay ipinadala na sa forensic group ng Cavite para sa pagsusuri.

Samantala, posibleng estafa umano ang maging batayan ng mga kasong ihahain kaugnay ng naturang kontrobersiya.

Ayon kay Co, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung may iba pang kasong maaaring isampa laban sa may-ari ng pet crematorium.

Nakikipag-ugnayan na rin ang hepe ng pulisya sa Bacoor sa may-ari ng pasilidad, na maaari umanong magbigay ng kaniyang panig sa naturang usapin.

Gayunman, iginiit ni Co na magpapatuloy ang imbestigasyon anuman ang maging desisyon ng may-ari kung makikipagtulungan ito sa mga awtoridad o hindi.

Matatandaang nadiskubre ang mga labi ng mga aso at pusa sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte City, Bulacan, na umano’y itinapon sa halip na isailalim sa cremation service.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang posibleng pananagutan ng mga sangkot at maisampa ang mga nararapat na kaso.