Nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit 150 na mga dayuhan sa isang hinihinalang parcel scam sa isang gusali sa lungsod ng Pasay.
Naging susi sa pagkakatuklas ng nasabing operasyon matapos na makatakas ang dalawang Indonesian national na humingi ng tulong sa mga kapulisan.
Agad na ikinasa ang operasyon kung saan tumambad sa lugar ang ilang uniporme ng mga kapulisan ng Indonesia at Malaysia na ito ay mga peke.
Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr na ang target ng grupo ang mga kababayan nila sa Indonesia at Malaysia kung saan may ipapadalang mga package at tatakutin na mayroong laman na kontrabando kapag kanila ng natanggap hanggang tuluyang magbigay ng pera ang mga target na biktima.
Dagdag pa ng PNP chief na ang mga lider ay isang Indonesian at dalawang Malaysian national.
Dahil dito ay agad na inatasan ng PNP chief ang mga kapulisan nito ng masusing imbestigasyon at alamin kung mayroong ilang mga kasabwat ang mga ito.
Mahigit dalawang buwan na ang operasyon ng grupo sa lugar.
Kanina rin ay tinungo ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang lugar kasama si Pasay City Mayor Emi Calixto at sinuri ang ilang mga ebidensiya ganun din tinignan ang mga naarestong indibidwal.
Inihahanda na rin ng mga PNP ang mga kaso laban sa nasabing mga naarestong suspek.














