-- Advertisements --

Itinanggi ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang mga espekulasyong pinoprotektahan nila si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na umano’y nagtatago sa isang “powerful armed group” sa Mindanao.

Binigyang-diin ng grupo sa kanilang pahayag noong Oktubre 30, 2026 na walang pormal na organisasyonal na relasyon sa pagitan ng mambabatas at ng MNLF.

Ipinaliwanag ng grupo na ang pakikipag-ugnayan ni Dela Rosa ay nasa antas lamang ng mga polisiya at peacebuilding, tulad ng pagsusulong ng integration ng mga miyembro ng MNLF at MILF sa PNP at AFP.

Bagama’t may personal at political connections ang senador sa founder ng MNLF na si Nur Misuari sa pamamagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, itinuring ng grupo na purong espekulasyon lamang ang mga ulat na pinangangalagaan nila ito.

Inihayag din sa pahayag na fragmented ang kasalukuyang MNLF kaya walang kasiguruhan kung may kakayahan o balak ang Misuari faction na harangan ang pag-aresto sa mambabatas.

Nilinaw ng organisasyon na walang verified evidence na nagpapatunay na si Dela Rosa ay miyembro, operational ally, o kasalukuyang pinoprotektahan ng kanilang armadong grupo.