-- Advertisements --

Nananatiling pa ring buhay ang “Panag-aapoy” bilang bahagi ng tradisyong kultural sa Sagada, Mountain Province tuwing sasapit ang Undas, o All Saints’ Day.

122 taon man ang nakakaraan napanatili pa rin ng mga residente ang “Panag-apoy” o ang pagpapaapoy ng maliit na pinewood sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa mountain cemetery sa bayan ng Sagada.

Pagsapit ng gabi, makikita na nagliliwanag ang apat na ektaryang libingan sa tuktok ng bundok, kung saan nakahimlay ang halos dalawang libong labi.

Ayon sa kasaysayan ng Sagada, gumagamit ang mga naunang Kristiyano ng pinewood dahil mahal ang kandila noon, at dahil hindi rin kaagad madaling mawala ang apoy ng maliit na kahoy ng pine kumpara sa kandila.

Ayon naman sa mga residente, kung walang dumadalaw sa isang libingan, may mga taong nagsisindi pa rin ng pinewood bilang pag-alala at paggalang sa mga pumanaw.

Binigyang diin naman ng pamunuan ng Philippine Tourism Ministry na ang Panag-aapoy ay isang sagradong tradisyon at hindi isang pista o tourism event.

Bilang paghihigpit at pagrespeto sa matagal nang kultura ay ipinagbawal na ang picnic, drone photography, pag-iingay, at pagkuha ng mga larawan gamit ang cellphone.

Ayon pa sa kasaysayan, na tinanggap lamang ng mga katutubong naninirahan sa bulubunduking rehiyon ng Cordillera, na dating naniniwala sa animismo, ang Kristiyanismo matapos ipasa ng Espanya ang Pilipinas sa Estados Unidos noong 1898.

Nangyari ito apat na siglo matapos mahikayat ng mga prayleng Espanyol na yumakap sa Katolisismo ang mga taong naninirahan sa mga baybaying lugar.