-- Advertisements --

Nagbabala ang Koronadal City Health Office (CHO) sa publiko laban sa pagtikim o pagkain ng mga pagkaing iniaalay at iniiwan sa mga puntod at nitso sa mga sementeryo ngayong Undas dahil sa malaking panganib nito sa kalusugan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Koronadal City Health Officer Dr. Vincent Ende, ipinaliwanag nitong hindi na ligtas kainin ang mga naturang alay dahil nabilad na ito sa hangin, alikabok, mga insekto, at iba’t ibang uri ng mikrobyo sa kapaligiran.

Ayon kay Dr. Ende, ang mga pagkaing matagal na naiwan sa labas nang walang takip ay mabilis makontamina na maaaring magdulot ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagdudumi, at food poisoning sa sinumang makakakain nito.

Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtikim sa mga alay sa yumao at sa halip ay pinapayo sa mga bibisita na magdala na lamang ng sariling pagkaing inihanda sa malinis at ligtas na paraan.

Pinaalalahanan din ng CHO ang publiko na magdala ng sapat na inuming tubig upang maiwasan ang dehydration, pati na rin ang paggamit ng payong o sombrero laban sa matinding sikat ng araw.

Binigyang-diin pa ng ahensya na dapat tiyakin ng mga taong may maintenance medication na dala ang kanilang mga gamot upang mapanatiling ligtas at malusog ang buong pamilya habang dumadalaw sa mga mahal sa buhay.