Tumanggap ng maraming parangal ang Taguig City mula sa Department of Health–Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) bilang pagkilala sa mga programang pangkalusugan at serbisyong inilalapit nito sa mga residente.
Naitala ng Taguig ang tatlong Good Practices in Health (GPH) recognition at kinilala bilang nag-iisang lokal na pamahalaan sa Metro Manila na nakakuha ng ganitong bilang ng parangal. Kabilang dito ang Taguig Doctor On Call, 24/7 Community-based Super Health Centers at Physical Medicine and Rehabilitation Unit.
Kinilala rin ang lungsod bilang Outstanding LGU sa Barangay Health Workers Community-Based Service Delivery dahil sa pagbibigay ng pangunahing serbisyong medikal sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na kulang sa serbisyong pangkalusugan.
Tumanggap din ang Taguig ng Plaque of Commendation para sa performance nito sa LGU Health Scorecard mula 2023 hanggang 2025, na sumusukat sa pamamahala, pondo at mga reporma ng lokal na health system bilang suporta sa Universal Health Care.
Bukod dito, ginawaran ang lungsod ng Plaque of Recognition para sa Local Health Systems Maturity Level noong 2025 at Plaque of Appreciation sa mga pagsisikap nitong palakasin ang pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan sa Metro Manila.
Tinanggap nina City Health Officer Dr. Susana Amiscua, Assistant City Health Officers Dr. Olivia Andaya at Dr. Maria Flor Franco, GPH Medical Coordinator Dr. Tarhata Pangandaman at DOH Representative Jaya P. Ebuen ang mga parangal sa seremonya na ginanap sa Richmonde Hotel Ortigas sa Pasig City noong Oktubre 27.














